Dalawa ang anak ni Lea Bustamante—dalawa rin ang ama nila. Hindi sana ito problema para kay Lea, kung hindi lang ito pilit pinoproblema ng ibang tao: ng nagkakaselosang mga ama, ng naeeskandalong prinsipal at mga magulang sa paaralan, at ng iba pang mga taong wala namang kinalaman sa pagpapalaki ng mga anak niya.
Mahirap maging ina. Lalong mahirap kung ang mismong mundong kinagagalawan mo’y dinidiktahan ka kung paano ka dapat maging ina. Sa nobelang ito hinahamon ni Bautista ang papel ng lipunan sa pagpapalaki ng kabataan. Pinatototohanan nito na ang anak ay hindi lamang anak, ang ina ay ’di lamang ina, kundi sarili nilang tao.
Si LUALHATI BAUTISTA ay nagsimulang magsulat sa edad na disisais. Ang mga unang kuwento niya’y nailathala sa Liwayway at sa mga antolohiya ng maiikling kuwento. Nakamit niya ang unang gantimpala sa Palanca para sa mga nobelang ’Gapô (1980), Dekada ’70 (1983), at Bata, Bata . . . Pa’no Ka Ginawa? (1984), liban pa sa mga Palanca na nakamit niya para sa mga maiikling kuwento.
Nagsusulat din siya sa telebisyon at pelikula. Dumanas na siya ng pagka-ban ng sensor sa dulang Daga Sa Timba ng Tubig na idinerehe ni Lino Brocka. Ang Sakada na pelikulang tumatalakay sa kalagayan ng mga sugar workers at pinagtulungan nila ng isa pang screenwriter, si Oscar Miranda, ay kinumpiska ng militar sa mga unang taon ng martial law. Gayunman, ang unang solong pelikula niya, ang Bulaklak sa City Jail, ay nagkamit ng karangalang best story at best screenplay sa Metro Manila Film Festival sa taong 1984 at best screenplay sa Film Academy Awards.
Noong 2017, pinarangalan siya ng Gawad Dangal ni Balagtas ng Komisyon sa Wikang Filipino.
BOOK DETAILS
AUTHOR: Lualhati Bautista
PUBLISHER: Anvil Publishing
LANGUAGE: Filipino
ISBN: 9789712734380
DATE PUBLISHED: 1988 (1st edition), 2018 (2nd edition)
FORMAT: Paperback
SIZE: 5.25x7.5 inches
WEIGHT: 250g
PAGES: 210