“Isa kang magandang regalo sa mga bata.” Ibinalik ko kay Rene O. Villanueva (ROV) ang mga katagang ito nang mismong isulat niya ito bilang dedikasyon sa akin para sa aking kopya ng libro niyang 12 Kuwentong Pamasko. At bakit hindi ko sasabihin ’yon gayong nag-alay siya sa bata at bayan ng maririkit na kuwentong pambata na nagtatampok sa galing, talino, at kakayahan ng batang Pilipino. Hitik sa danas, drama, at hiwaga ang buhay ni ROV kaya makulay ang kaniyang naging panulat. Masisilip natin ito sa mga pagsusuri at pagtalakay na ginawa ng iba’t ibang manunulat sa aklat na ito. Heto na ang Bata, Hiwaga, Bansa na maingat na sininop ng dalawa ring mahuhusay na manunulat pambata na sina Dr. Eugene Evasco at Dr. Cheeno Marlo Sayuno.
Nang minsang maging panauhin ko si ROV sa aking programang pang-storytelling sa radyo, at may binasa kaming isang mapangahas niyang kuwento, biniro ko siya: “Lagot ka kapag pinag-aralan ng susunod na henerasyon ang iyong mga akda!” Humagalpak siya ng tawa. Iyong klase ng halakhak na para bang nakaisa! Maaari ngang tinatawanan tayo ni ROV ngayon. Pero pihadong halakhak ito ng pasasalamat sa mga batang nagbasa ng kaniyang mga aklat at sa mga taong nagpahalaga sa kaniyang mayamang kontribusyon sa makabatang kamalayan—sa mundo man ng telebisyon o sa panitikan.
Sa isang panahong ipinaghehele tayo ng barkadahan nina Cinderella, may isang ROV na nangahas na aliwin ang mga bata sa pamamagitan ng kaniyang mga kuwentong Pinoy na Pinoy ang dating. Pihadong sasabihin niya sa atin, “Kayo talaga, kinuwentuhan ko lang naman ang batang si Rene sa loob ko, ang batang si Rene na maagang namatay dahil sa mapapait na realidad ng kaniyang buhay! E nagkataong nagustuhan n’yo ang mga salaysay ko! E di salamat!”
Hindi natin dapat limutin si Rene. Salamat sa pagdating ng aklat na ito na ipinagbubunyi ang pambihirang kontribusyon ni Rene O. Villanueva sa panitikan mula sa lente ng mga taong naimpluwensiyahan ng kaniyang panulat. May pagkakataon na ang mga Gen Z (at ang marami pang henerasyon ng mga batang mambabasa) na makilala ang isa sa mga haligi ng panitikang pambata sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga sanaysay at pag-aaral na ginawa sa kaniya.
Sapagkat walang kamatayan ang isang Rene O. Villanueva!
Luis P. Gatmaitan, MD
Awtor ng mga aklat pambata
Tagapangulo, National Council for Children's Television
BOOK DETAILS
EDITORS: Eugene Y. Evasco and Cheeno Marlo M. Sayuno
PUBLISHER: The University of the Philippines Press
LANGUAGE: Filipino
ISBN: 9786210900309
REPRINTED: 2023
FORMAT: Paperback
SIZE: 6x9in
WEIGHT: 600g
PAGES: 319