Paano nga ba mabuhay sa lipunang nahahati ang mga uri?
Kabilang ang librong ito sa Aklat ng Salin ng Adarna House, mga pilîng aklat pambatà mula sa ibáng bayan na nagsasalaysay ng mga karanasang lalo pang makapagpapayaman sa balon ng sensibilidad at kaalaman ng mga batàng Filipino. Layunin din nitóng mapalawak ang karanasang pangkultura ng mga mambabasá sa pamamagitan ng pagtiyak na maiuugnay ng mga batà ang kaniláng sarili sa akdang binabása. Masinop ding isinalin ang bawat aklat sa seryeng ito upang maipamalas ang yaman at husay ng wikang Filipino sa pagsasalaysay ng mga dayuhang kuwento.
TUNGKOL SA LIBROS PARA MAÑANA
Ang mga aklat na ito ay bahagi ng apat-na-aklat na seryeng nilikha para sa mga batàng mambabasá, na inilimbag noong 1977 at 1978 ng La Gaya Ciencia mula sa Barcelona. Noong mga panahong iyon, dalawang taon matapos pumanaw ang diktador na si Francisco Franco, sumailalim ang España sa yugtong Transisyon na nagbigay daan sa kauna-unahan nitong mga pagbabagong demokratiko.
Tinawag na Libros para Mañana (Mga Libro Para sa Kinabukasan) ang orihinal na koleksiyon, at pinanatili ito sa bagong edisyon. Kung mababása natin ang mensahe ng aklat nang hindi nalilito, marahil, ito ay dahil sa hindi pa dumarating ang kinabukasan. Umaasa kaming hindi magtatagal ay darating din ang araw na iyon.